Idinaos ng Kolehiyo ng Edukasyon at Kolehiyo ng Sining at Agham ng Carlos Hilado Memorial State University ang Kuwentong Bayan at Tula Writeshop kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan.
Nilahukan ito ng mga mag-aaral ng CHMSU, Abkasa National High School, Bacolod City College, Bago City College, Barangay Singcang Airport National High School, La Carlota City College, La Consolacion College – Bacolod, STI West Negros University, St. Joseph School – La Salle, at Rafael B. Lacson Memorial High School.
Ginanap noong ika-10 ng Abril, 2024 sa CHMSU-Talisay Global Learning Cafe, nagsimula ang writeshop sa isang pambungad na talumpati ni Focal Person Mary Rose Banas ng Sentro ng Wika at Kultura.
Sa kanyang talumpati, sinabi Banas na ang Wikang Filipino ay hindi lamang isang wika kundi isang mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan at identidad ng mga Pilipino.
Ito ay nagpapakita ng kasaysayan, kultura, at pagkakaisa na mas mapapatatag pa sa pagkakaroon ng partisipasyon sa mga makabuluhang aktibidades sa pagsulat at pagpapabuti ng kakayahan sa pagsulat. Wikang Filipino na kailangang linangin, sabi niya.
Nagbigay naman ng mga makabuluhang mensahe sina Dekana Ophelia Duayan ng Kolehiyo sa Edukasyon at ang Dekana Arjay Alvarado ng Kolehiyo ng Sining at Agham. Sinundan ito ni gurong Shirley Jane Bernadas ng Kolehiyo ng Edukasyon na nagbigay ng katwiran kung bakit isinasagawa ang aktibidad.
Ang Panulaan at Panulaang Hiligaynon at Mga Elemento ng Tula ang naging sentro ng talakayan ni Ma. Graziella Sigaya, unang tagapagsalita.
Tinalakay ni Sigaya ang mga anyo ng tula o forms of poetry at nagpapanood ng mga bidyo bilang mga halimbawa sa pagtutula.
“Kapag naririnig natin ang salitang tula ang unang pumapasok sa ating isipan ay pag-ibig o pagmamahal,” sabi ni Sigaya. “Ang pag-ibig ay tunay na napag-uusapan sa pamamagitan ng mga tula”.
Dagdag pa ni Sigaya, ang tula ay hindi nararapat na maging mapaghamon bagkus ito ay tumutukoy sa pagdiskubre ng mga natural at heograpiya ng mga tao.
Kanya ring sinaad ang tatlong bahagi ng workshop: Why Poetry, Poet’s Craft at Hugot Mona.
Pagkatapos ng malawak na pagtalakay ay nagbigay ng karagdagang mga halimbawang tula sa pasulat o pakanta na pamamaraan na may pamagat na “Istiwitis,” “Kamingaw,” “Aswang,” “Aboy-aboy,” “Padaba Taka,” “MaPa,” at marami pang iba.
Sabi niya, ang mga halimbawang tulang ito ay nagpapatunay lamang sa pahayag na “even if you are the poet, you can still be the poem.”
At sa malapit na pagtatapos ng pagbabahagi ni Sigaya ay kanyang isinaad ang mga gabay sa katanungang “What will your verse be?” Ito ay kinapapalooban ng subject matter, Diction, Pov/ Speaker, Syntax at Grammar, Form at Imagery.
Gayundin ang pagbibigay ng limang prompts bilang gabay sa pagsulat ng tula para sa isasagawang writeshop at ang pagbibigay ng limang magiging batayan sa kung ano ang maaring kalalabasan ng tula. Maaring isang liham, recipe, prayer, shopping list o magic spell.
Pagkatapos ng talakayan sa umaga, nagsimulang magsulat ng mga tula ng mga kalahok pagsapit ng hapon.
Ang Buwan ng Panitikan ngayong taon ay may temang “Ang Panitikan at Kapayapaan.”