Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng Carlos Hilado Memorial State University (CHMSU) kasama ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay nagpasimuno ng Filipino Sign Language (FSL) Workshop sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2024 na may temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya” noong Agosto 12 hanggang 13, 2024 sa Function Hall, ETG Building ng CHMSU Talisay Kampus.
Nagsimula ang unang araw ng workshop sa isang maikling programa. Nagbigay ng pambungad na pananalita at rasyonale ng workshop si Mary Rose A. Bañas, Focal Person ng SWK- CHMSU.
Nagbahagi rin ng mensahe si OIC-Dekano Joji Linaugo ng Kolehiyo ng Edukasyon, binigyang diin niya na, “Mahalaga ang magkaroon ng inklusibong kapaligiran sa ating mga paaralan. Ang pag-aaral ng sign language ay mainam hakbang upang maging handa tayo na yakapin ang pagkakaiba-iba ng ating mga estudyante”.
Sa mensahe namang ibinahagi ng Dekano Arjay Alvarado ng Kolehiyo ng Agham at Sining, hinimok niya ang mga kasali ng workshop na paigtingin lalo ang kasanayan at sikaping ipagpatuloy ang pagtataguyod ng wikang Filipino sa mga gawaing katulad ng FSL Workshop.
Nakinig din ang mga kalahok ng mensaheng pinabatid ni Tagapangulo Arthur Casanova ng KWF.
Higit na pinalawak at pinalaya ang mga isipan ng bawat kalahok sa mensaheng ibinahagi ng tagapangulo.
Inisa-isa ni Casanova ang tungkulin ng wikang Filipino bilang wikang mapagpalaya na masasalamin sa mga akdang pampanitikan na nailimbag at nakilala mula noong panahon ng pananakop hanggang sa nakamit ang kalayaan gayundin ng sa kasalukuyan.
Dinaluhan ang gawain ng ilang guro kasama ang mga estudyante mula sa Bachelor in Secondary Education major in Filipino at Bachelor or Special Needs Education ng CHMSU at ilang BSED major in Filipino mula Bacolod City College.
Ang unang tagapagsalita at tagapagsanay ay si Cleofe Gayanilo Gutana, isang guro mula sa Silay SPED Integrated School.
Sa kaniyang interaktibong paglalahad ay kaniyang pinagtuunan ng pansin ang tungkol sa Deaf Awareness at Basic Filipino Sign Language.
Dagdag pa, tinalakay din ni Gutana ang sumusunod na mga topiko: Deaf Terms; Difference between Pathological and Socio-cultural perspective; Difference between Hearing and deaf culture; Methods for accommodating individuals who are deaf?; What is FSL; at ang Top 10 reasons to learn sign language.
Ang pangalawang tagapagsalita na si Princess Kack Lee Roquero ay isang guro mula sa Happy Beginners at ARC Bacolod. Pinamunuan niya ang pagsasanay ng wikang senyas.
Pinamunuan niya ang pagsasanay sa alpabetong Filipino, mga bilang, araw ng linggo, buwan ng taon, at mga karaniwang parirala at katagang gamit sa pakikipag-usap. Naging masigla at interkaktibo ang pagsasanay.
Nakatuon ang ikalawang araw ng workshop sa patuloy na pagsasanay. Pinanonood din ng mga kalahok ang “My Boy Superman” na nasungkit ang ikalawang puwesto sa Pelikulang Alternatibo ng Cultural Center of the Philippines.
Nagkaroon din ng malayang talakayan kasama si Rebbe Julie Yandog-Jurilla, executive producer ng pelikula, na isa ring alumna ng CHMSU Laboratory School at Teacher Certificate Program.
Nagtapos ang workshop sa pagpapakitang gilas ng mga kalahok sa paggamit ng wikang senyas.
Ang mga kalahok ay bumigkas ng panalangin na Ama Namin at Luwalhati sa Ama gamit ang wikang senyas, at umawit din gamit ang wikang senyas ng Bayan Ko ni Jose Corazon de Jesus at MAPA ng SB19. (ni Jethro Hermano, BSED Filipino 4A)
Mga imahe mula sa SWK-CHMSU